Wednesday, March 25, 2009

Tagisan nina Adan at Eba


Katrina Gonzales at Recell Tabernilla

Mahina at nangangailangan ng proteksyon; dalawa lamang iyan sa mga deskripsyong ikinakabit kapag ikinukumpara ang babae sa lalake. Tama nga ba ito? Hindi man lamang ba nabago ang persepsyong ito sa paglipas ng panahon?

Noong panahon ng Kastila, nakikita lamang ang mga babae bilang mga tagapag-alaga ng mga tahanan. Subalit pinatunayan nila na mas karapat-dapat silang magkaroon ng mas malaking papel dahil sila ay malakas at may potensyal din. Hindi lamang sila nakakatulong sa paggamot at pagpapakain ng mga sundalo. Mayroong mga babae na katulad ni Gabriella Silang na nakatulong sa paghihimasik laban sa mga Kastila.

Pansinin na noong unang panahon kung saan bago pa lamang nararanasan ng mga Pilipino ang mag-aral sa eskwelahan, ibang klase ng edukasyon ang natatamasa ng mga kababaihan. Sa halip na turuan sila ng mga normal na asignatura ay nag-aaral sila ng pagbuburda, pananahi, at pangangalaga ng tahanan. Isa rin itong patunay na noong una, hindi natatamasa ng mga babae ang pantay na pagtingin ng lipunan dahil sa may eksklusyon na nagaganap.

Masasabing unang natanggap ng mga kababaihan ang pantay na pagtingin ng mga tao nang payagan silang magkaroon ng karapatang bumoto sa halalan. Isa itong pagbabagong buong pusong tinanggap ng mga kababaihang uhaw sa karapatang ito na sumisimbulo sa unti-unti nilang pag-asam ng pagkakapantay-pantay.

Noong Pebrero 25,1986 nakalaya ang mga Pilipino mula sa Martial Law na ipinatupad ni Pangulong Marcos. Kasabay nito, nagkaroon tayo ng unang babaeng presidente sa kasaysayan ng ating bansa, si Cory Aquino. Ito marahil ang isa sa mga pinakamatingkad na patunay na malaki na ang pinagbago sa pakikitungo sa mga babae sa paglipas ng panahon. Malaki na ang pag-unlad nito kung ikukumpara noong unang panahon. Subalit, nakuha na nga ba ng kababaihan ang pagkakapantay na kanilang inaasam?

Tignan natin ang kasalukuyang sitwasyon. Para sa mga sumasakay ng MRT, nasa kaalaman na nila marahil ang hiwalay na parte na nakereserba sa mga babae at matatanda. Sa kabila nito, marami paring babae ang sumasakay sa parte ng mga lalaki at nakikisiksik doon. Ngayon, isipin natin kung saan mas napapahiwatig ang pagkakapantay ng lalaki at babae sa dalawang sitwasyon. Kung may espesyal na lugar para sa mga babae, bakit walang espesyal na lugar para sa mga lalaki? Hindi ba ito nagpapahiwatig na mas binibigyang importansya ang mga babae?

Maraming dahilan kung bakit binibigyan ng priyoridad ang mga babae sa MRT. Isa na rito ay ang seguridad at ang mentalidad na mas mahina ang babae. Marahil kayang patunayan ng siyensya na mas mahina ang mga babae sa pisikal na aspekto, subalit napatunayan din nila na mas nakakatiis ang babae at mas mahaba ang mga buhay nila. Sa kabila nito, humihingi parin ang mga babae ng espesyal na atensyon kasabay ng paghingi ng pagkakapantay-pantay. Pinapahiwatig lamang nito na hindi pa kayang bitawan ng mga babae ang kanilang naging pribelehiyo. Magkakaroon nga ba talaga ng tunay na pagkakapantay ang mga kasarian?

Sa paglipas ng panahon, mapapansin ang pagbabago ng paningin ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang ating pangulo ay isang babae. Nagkakaroon na ng pantay na oportunidad ang mga babae sa lipunan at sa mga gawain. Marami nang nagagawa ang mga babae na parte lamang ng pangarap noon.

Ilang daang taon ang lumipas at ilang pagbabago na ang naranasan, naging liberal na at bukas sa pagbabago ang karamihan ngunit nananatiling mahirap sagutin ang tanong. May pagkakapantay-pantay na nga ba sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan?

Marahil, oras lang ang makapagsasabi niyan.

No comments:

Post a Comment