Wednesday, March 25, 2009

Tagisan nina Adan at Eba


Katrina Gonzales at Recell Tabernilla

Mahina at nangangailangan ng proteksyon; dalawa lamang iyan sa mga deskripsyong ikinakabit kapag ikinukumpara ang babae sa lalake. Tama nga ba ito? Hindi man lamang ba nabago ang persepsyong ito sa paglipas ng panahon?

Noong panahon ng Kastila, nakikita lamang ang mga babae bilang mga tagapag-alaga ng mga tahanan. Subalit pinatunayan nila na mas karapat-dapat silang magkaroon ng mas malaking papel dahil sila ay malakas at may potensyal din. Hindi lamang sila nakakatulong sa paggamot at pagpapakain ng mga sundalo. Mayroong mga babae na katulad ni Gabriella Silang na nakatulong sa paghihimasik laban sa mga Kastila.

Pansinin na noong unang panahon kung saan bago pa lamang nararanasan ng mga Pilipino ang mag-aral sa eskwelahan, ibang klase ng edukasyon ang natatamasa ng mga kababaihan. Sa halip na turuan sila ng mga normal na asignatura ay nag-aaral sila ng pagbuburda, pananahi, at pangangalaga ng tahanan. Isa rin itong patunay na noong una, hindi natatamasa ng mga babae ang pantay na pagtingin ng lipunan dahil sa may eksklusyon na nagaganap.

Masasabing unang natanggap ng mga kababaihan ang pantay na pagtingin ng mga tao nang payagan silang magkaroon ng karapatang bumoto sa halalan. Isa itong pagbabagong buong pusong tinanggap ng mga kababaihang uhaw sa karapatang ito na sumisimbulo sa unti-unti nilang pag-asam ng pagkakapantay-pantay.

Noong Pebrero 25,1986 nakalaya ang mga Pilipino mula sa Martial Law na ipinatupad ni Pangulong Marcos. Kasabay nito, nagkaroon tayo ng unang babaeng presidente sa kasaysayan ng ating bansa, si Cory Aquino. Ito marahil ang isa sa mga pinakamatingkad na patunay na malaki na ang pinagbago sa pakikitungo sa mga babae sa paglipas ng panahon. Malaki na ang pag-unlad nito kung ikukumpara noong unang panahon. Subalit, nakuha na nga ba ng kababaihan ang pagkakapantay na kanilang inaasam?

Tignan natin ang kasalukuyang sitwasyon. Para sa mga sumasakay ng MRT, nasa kaalaman na nila marahil ang hiwalay na parte na nakereserba sa mga babae at matatanda. Sa kabila nito, marami paring babae ang sumasakay sa parte ng mga lalaki at nakikisiksik doon. Ngayon, isipin natin kung saan mas napapahiwatig ang pagkakapantay ng lalaki at babae sa dalawang sitwasyon. Kung may espesyal na lugar para sa mga babae, bakit walang espesyal na lugar para sa mga lalaki? Hindi ba ito nagpapahiwatig na mas binibigyang importansya ang mga babae?

Maraming dahilan kung bakit binibigyan ng priyoridad ang mga babae sa MRT. Isa na rito ay ang seguridad at ang mentalidad na mas mahina ang babae. Marahil kayang patunayan ng siyensya na mas mahina ang mga babae sa pisikal na aspekto, subalit napatunayan din nila na mas nakakatiis ang babae at mas mahaba ang mga buhay nila. Sa kabila nito, humihingi parin ang mga babae ng espesyal na atensyon kasabay ng paghingi ng pagkakapantay-pantay. Pinapahiwatig lamang nito na hindi pa kayang bitawan ng mga babae ang kanilang naging pribelehiyo. Magkakaroon nga ba talaga ng tunay na pagkakapantay ang mga kasarian?

Sa paglipas ng panahon, mapapansin ang pagbabago ng paningin ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang ating pangulo ay isang babae. Nagkakaroon na ng pantay na oportunidad ang mga babae sa lipunan at sa mga gawain. Marami nang nagagawa ang mga babae na parte lamang ng pangarap noon.

Ilang daang taon ang lumipas at ilang pagbabago na ang naranasan, naging liberal na at bukas sa pagbabago ang karamihan ngunit nananatiling mahirap sagutin ang tanong. May pagkakapantay-pantay na nga ba sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan?

Marahil, oras lang ang makapagsasabi niyan.

Bakit Kinilabutan ang Lalaki kong Kaklase nang Makakita Siya ng Pasador sa Aking Bag?


Ni Maci Norenz Golez Ilicito

Mayo 6, 2004, Aking ika-12 na kaarawan, Sa bahay

Maraming handa, maraming bisita. Pagkakuha ko ng aking pagkain, umupo ako sa tabi ni Lola Vera. Tinuro niya ang kinakain kong ponkan.

“Hija, kakainin mo ba talaga ‘yan?”

Orange lang po ‘to, Lola.”

“Oo, pero kakasabi lang sa’kin ng nanay mo na nagkaro’n ka na,” Sa pagkasabi n’ya noon, iisipin mo may nakakahawa akong sakit.

“Opo,” sabi ko. “Pero ‘di ko po alam kung ano ‘yung masama sa pagkain ng orange.”

“Hindi ka ba tinuruan ng nanay mo? Hindi ka dapat kumain ng maasim kapag meron ka dahil magiging maasim ang dugo.”

Tumahimik na lang ako imbes na sabihing hindi ko naman iinumin ang dugo, kaya wala naman talagang masama kung maging maasim man ito o hindi. Pero hindi pa doon natapos ang mga paalala sa akin ni Lola.

“At pinunasan mo ba ang mukha mo ng ano mo? Magkakataghiyawat ka kung hindi!”

Nakalunok ata ako ng dalawa o tatlong butil ng ponkan.

***

Ang unang regla ng isang batang babae o “menarche” sa Ingles ay karaniwang tinuturing na tanda ng kanyang pagpasok sa hustong gulang. Sa siyensa, ang ibig sabihin nito’y isa sa mga egg cell sa obaryo ng babae ay hinog na at maaari nang ma-fertilize ng sperm cell ng lalaki. Sa madaling salita maaari na siyang mabuntis.

Mas marami pa itong implikasyon sa kultura. Kumpara sa mga ritwal na ginagawa ng ibang mga lahi, parang nagiging katatawa na lang ang mga tradisyon ng mga Pilipino. Maaari nating tawaging rite of passage ang unang regla.

Sa Japan, ipinagdidiwang ito ng pamilya ng dalaga sa pamamagitan ng pagkain ng pulang kanin at buto. Sa Sri Lanka at ilang probinsya ng India, binibigyan ng seremonyal na paligo ang dalaga, kung saan pinapaliguan siya ng mga babae ng pamilya at dinadamitan ng puti. Nagkakasiyahan ang lahat at ang dalaga’y binibigyan ng pera at mga regalo. Sa isang tribo ng Native America, ang Chiricahua Apache, nagkakaroon ng mga piyesta’t sayawang tumatagal ng mga lingo. Ang mga dalaga ng mga tribo ng mga Pygmy sa Gitnang Africa ay dinadala sa mga kubong tinatawag na “elima,” kung saan sila hinanahanda ng mga nakatatandang babae sa para sa pagiging ina. Pagkatapos nito, nagkakaroon ng isang buwang kasiyahan.

Hindi nga lang ganito kasaya sa ibang kultura. Sa ilang mga mas konserbatibong komunidad ng mga Husyo at Silangang Europa, tradisyonal na sampalin ang dalaga bilang proteksyon labang sa “disgrasya.” Sa isang tribo sa Alaska, ang Kolosh, iniiwan ang dalaga sa maliit nakubo kung saan may isa lamang na butas para sa hangin at ilaw sa isang buong taon. Para tuloy mas ayos na sa’king ipunas na lang ang aking dugo sa mukha.

Para sa mga modernong lipunan, angat sila sa ganitong klase ng pagtrato sa mga dalaga. Ang totoo, walang mga ganitong pagtatrato pagkat hindi dapat malaman ng ibang tao ang tungkol dito. Ang regla’y tinuturing kahiya-hiya, minsan pa’y katakut-takot. Walang mga taboong ipinipilit, pero sinusunod pa rin ang mga ito ng mga babae. Hindi sila iniiwan sa mga kubo, pero makikita nating hindi sumasali ang mga babae sa mga isport at ibang mga gawain kung saan sila maaring matagusan at malalaman na ng lahat. May mga ginagamit pa ngang mga eupemismo ang mga babae upang hindi nila kailanganing sabihin ang bulgar na salita tulad ng regla o menstruation. Tulad nga ng “meron ako ngayon.” Bisita. Red tide. Pinakamalala sigurong narinig ko ay ang “sumpa.” Ang mahalaga’y hindi malaman ng ibang tao na meron ka. Lalo na kung lalaki sila.

***

Marso 2008, Break noong isang ensayo naming para sa graduation, Sa kantina ng paaralan

“Kuya Dennis, pabili naman ng napkin, o.”

Lahat ng tao na malapit sa amin ay nanginig sa pigil na tawa. Nandilat sa akin si Kuya Dennis na parang bumili ako ng isang kahon ng mga condom. Sa huli sabi niya, “Kunin mo na lang diyan” at tumungo siya sa bilihan ng inumin, mga sampung metro ang layo sa’kin.

Natawa na lang ako. “Kuya naman, hindi ‘to nangangain.”

***

Hulyo 2007, Klase ko sa Math

“Maci, peram ng ballpen.”

“Sa bag ko, ‘wag kang magulo,” sabi ko nang hindi nilalayo ang aking tingin sa quadratic equation na ginagawa ko.

“Ano ba ‘yan, Maci,” sabi ni Karl, sabay balik sa akin ng bag ko.

“Ano na naman?” Tiningnan ko ang bag ko. Nakita ko kung ano ang na sa loob. “Sus, parang ‘yan lang e.”

***

Ilan lamang ang mga babaeng tulad ko na wala nang pake kapag nakikita ng ibang tao ang kanilang mga “pambabaeng produkto.” Siguro may koneksyon dito ang mga taboo ng iba’t ibang kultura. Pero sa tingin ko, maaari ring masisi ang modernong kultura. Tingnan na lang natin ang mga patalastas ng mga pasdor or sanitary napkin. Ayon sa kanila hindi ka magiging “fresh palagi!” kung wala kang Modess Cottony Soft with wigns. Hindi ka rin pwedeng mag-“be yourself” at lalong hindi mo makukuha ang crush mo kung hindi ka naka-New Whisper with Fresh Scented Core.

Siguro masyado kong inaalipusta ang mga patalastas na ito. Kailangan nga naman naming mga babae ang mga produktong ito kung ayaw naming magkalat.

Kunsabagay, masasabing malaking asenso ang mga patalastas ng napkin ngayon sa mga gimik dati. Noong 1932, may brand na Delicate na nag-imbento ng napkin nakasilid sa isang tubo na mukhang kahon lang ng lipstick. Ito ang kailangan mo upang maisalba ang iyong nobyo sa katatakutang dulot ng pagsilay sa isang sanitary napkin. Noon naming 1945, may patalastas sa dyaryo na ginawa ang San-Nap-Pak na brand tungkol sa isang dalaga na “takot na takot”… hanggang pinakita sa kanya ni Betty ang San-Nap-Pak napkins! Hay, sobrang laking ginhawa ang hated ng mga ito; talagang ligtas ka sa mga kahiya-hiyang “aksidente” tulad ng… Hmm, sa totoo lang, hindi natin nalaman sa patalastas na ito kung saan naligtas ang dalaga.

Kakaalala ko lang. May patalastas na pinalabas ang Libresse mga ilang taon na ang nakararaan, kung akala ni Richard Gutierrez na ang pantyliner ng kanyang nobya ay isang Band-Aid.

***

Pebrero 2008, Tanghalian, Sa silid-aralan

Nakaupo kami sa sahig, kaming magkakaibigan. Nagtatanghalian kami.

“Harry!” tawag ni Clarissa sa isang kaklase naming palabas papuntang kantina.

“Me papabili na naman kayo ‘no?” Medyo nag-aalangan si Harry.”Me papabili na naman kayo ‘no?” Medyo nag-aalangan si Harry.”

Yep,” masayahing sagot ni Clarissa. “Mango shake, large, tapos iced tea. Ay, tapos, Whisper pa pala. Para kay Arielle.”

Namula si Arielle (na medyo girlfriend ni Harry noong panahong iyon). Nabilaukan sina Sheri, Karen, at Jenny. Tinitigan ko lang si Harry, hinihintay na ang sermon niya tungkol sa kayumihan ng mga babaeng kailangang matutunan ni Clarissa.

Pero hindi dumating ang sermon. Sabi niya lang, “Okey, akin na ‘yung bayad.”

Break na ngayon sina Arielle at Harry. Abala na sila sa kanilang bagong buhay sa kolehiyo, si Harry sa kanyang pitong org at si Arielle sa kanyang bagong boyfriend. Pero kakaamin lang sa’min ni Arielle, na-mi-miss niya raw si Harry.

Siguro, kung kayang bumili ng isang lalaki kay Kuya Dennis ng napkin para, sa iyo, iyon ay true love.

Pagsasabatas ng Prostitusyon

Ni Vannah Pacis at Ingrid Salud

Isa sa mga pangunahing isyung pinag-uusapan dito sa Pilipinas ang prostitusyon. Bahagi na ito ng kasaysayan ng Pilipinas simula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Noong 1898, pinagkalooban ng constitutional freedom ang mga prostitutes. Nagsimula ito nang ipatupad ni Presidente Aguinaldo ang batas ukol sa linggu-linggong eksamen ng mga prostitutes para masiguradong sila ay walang sakit na dulot ng pakikipagtalik sa iba’t ibang lalake (Ofreneo & Ofreneo, 1998, p. 101).

Nang magsimula ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at Amerika noong 1899, lalong lumago ang tinatawag na flesh trade. Buhat ito ng paghahanap ng mga Amerikanong sundalo ng mga temporary companion upang tustusan ang kanilang pangungulilang sekswal at ang paghahanap naman ng mapagkitaan ang karamihan sa mga Pilipino. Dumami ang mga brothels sa Pilipinas dahil ginagawang negosyo ang prostitusyon ng mga Amerikano, mga opisyal na Hapon at maging ang ibang opisyal na Pilipino (Ofreneo & Ofreneo, 1998, pp. 101-102).

Sa kasalukuyan, lantad na ang sex tourism dito sa Pilipinas at maging ang feminization migration kung saan pumupunta ang mga babae sa ibang bansa bilang mga entertainers sa iba’t ibang bars (Ofreneo & Ofreneo, 1998, p. 103).

Dahil sa paglaganap ng prostitusyon dito sa Pilipinas, napag-isipan ng ilang mga miyembro ng senado na gawing legal ang prostitusyon. Noong 1992, ipinasa sa Kongreso ang isang bill na layong isabatas ang prostitusyon. Balak magtayo red-light districts at magpatupad ng compulsory check-ups para sa mga babaeng prostitutes. Hindi nagtagumpay ang bill na ito dahil sa matinding paguusig ng ilang lupon ng mga peminista (Ofreneo & Ofreneo, 1998, p. 123).

Base sa impormasyong nakuha ng Coalition Against Trafficking in Women –Asia Pacific (CATW-AP), hindi bababa sa 300,000 ang bilang ng mga babae sa prostitusyon. Kung susuriin ang estatikang ipinahayag sa Manila Times noong 2004, masasabi na magkakaroon ng dagdag na 10% ng mga babaeng prostitutes sa mga taong 1997-2000 at humigit-kumulang na 20% dagdag sa taong 2005 hanggang sa kasalukuyan dahil sa kahirapan sa buhay na dinadanas ng nakararaming mga mamamayan sa Pilipinas. Kung pagsama-samahin ang mga kinikita ng bawat prostitutes dito sa bansa, makikitang hindi ito bababa sa 8 Bilyong Dolyar na maaaring maging malaking tulong sa ekonomiya ng bansa.

Ang prostitusyon at kahirapan ay magkaugnay. Hanggang marami ang nagugutom, maraming kababaihan din ang mapipilitang kumapit sa patalim at magpaalipin sa prostitusyon dahil sa kakulangan ng ibang uri ng pagkakitaan (Ofreneo & Ofreneo, 1998). Dahil lumalabag ito sa karapatan ng mga tao, lalung-lalo na ng mga babae, dineklara ng senadong ilegal ito sa nais na tuluyang mawala ang prostitusyon sa bansa. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari at sa halip ay lumalago ang prostitusyon. Nagbigay daan ito sa black market trade at iba pang mga paraan para lamang maitago ito sa batas. Dahil dito, hindi nababantayan ng batas ang kapakanan at kaligtasan ng mga prostitutes na karamihan ay nakararanas ng pang-aabuso at paglabag sa kanilang karapatan bilang mga empleyado at mamamayan ng bansa. Higit pa dito, lalong lumalaganap ang kaso ng sexually transmitted diseases (STDs) sa mga prostitutes dito sa bansa.

Sa kadahilanang hindi tuluyang maiiwasan ang paglaganap ng prostitusyon dito sa bansa, mas mainam na gawing legal ang prostitusyon hindi lang para sa benepisyo sa ekonomiya ng bansa, kundi upang maproprotektahan din ng gobyerno ang kapakanan ng mga prostitutes.

Maituturing na isang service sector ang prostitusyon dito sa bansa. Simula dito, mapapabuti ng legalisasyon ng prostitusyon ang ekonomiya ng bansa dahil ang kita ng mga brothel owners at prostitutes ay masasailalim sa taxation tulad ng Capital Gains Tax, Income Tax, Percentage Tax and Value Added Tax (VAT) kung saan napupunta sa pondo ng gobyerno. Sa kalaunan, lalaki ang pondo ng gobyerno na siyang makatutulong sa ekonomikong sitwasyon ng bansa ngayon. Ang mga brothel ay maging kasing-pareho na ng antas tulad ng ibang mga negosyo dito sa Pilipinas. Higit pa dito, sila din ay pwede nang makatulong ukol sa ekonomikong sitwasyon ng bansa.

Dahil ang prostitusyon ay tinaguriang isang legal na service sector, ang mga prostitutes din ay maituturing mga empleyado na may mga karapatan sa kanilang kabutihan at kaligtasan. Unang-una, mabibigyang proteksyon ang mga prostitutes laban sa mga brothel owner o bugaw na sumusuway sa kanilang kontrata. Mabibigyan din ng proteksyon ang mga prostitutes sa mga pang-aabuso at karahasan ng kanilang mga amo at kliyente. Higit pa dito, magkakaroon din ng compulsory check-ups para maiwasan ang dumadaming kaso ng STDs sa mga prostitutes at sa kanilang mga kliyente. Sinisigurado nito ang kaligtasan pareho ng prostitute at ng kanilang kliyente. Sa kanilang pagtatrabaho bilang legal na prostitutes, hindi napapabayaan ang kanilang kalusugan at kaligtasan laban sa mga STDs at iba pang mga sakit na nakukuha sa prostitusyon.

Sapagkat itinuturing na bilang mga legal na empleyado ang mga prostitutes, nararapat lamang na pagkalooban din sila ng mga dokumento o lisensya sa gobyerno upang sila ay makapagtrabaho. Nabibigyan lamang ng lisensya ang mga taong labing-walong taong gulang pataas at mga taong dumaan na sa check-ups upang maiwasan ang child prostitution at paglaganap ng mga STDs. Kailangan nasa tamang edad at kondisyon din ang mga taong nais magtrabaho bilang mga prostitutes. Hindi lang ito limitado sa mga prostitutes ngunit kinakailangan na nasa tamang edad din ang mga kliyente para sila makatanggap ng serbisyo ng isang prostitute. Ipinagbawal dito ang mga minor de edad sa pagpupunta ng mga brothel. Para ito siguraduhin na legal na mamamayan ang mga kliyente at kumikita na ng sariling pera.

Dagdag pa nito, mabibigyan din ng work benefits ang mga prostitutes katulad ng ibang mga manggagawa sa bansa. Kabilang dito ang benepisyo ng mga empleyado katulad ng Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at maging ang 13th month pay ay mabibigay na din sa mga prostitutes. Mapapasailalim din sa batas ang mga brothel owners kung saan magbibigay sila ng nararapat na sweldo sa mga prostitutes na hindi bababa sa minimum wage. Para sa mga prostitutes, kinakailangan lang din nilang magtrabaho ng 48 oras sa isang linggo at mabibigyan din sila ng double pay or overtime pay sa pagtatrabaho tuwing holidays at sa pagkakataong naisin nilang magtrabaho ng lampas sa nakatakdang oras .

Sinasabi ng mga aktibista na lalong lumalabag sa karapatan at dignidad ng mga babae ang legalisasyon ng prostitusyon dito sa bansa. Dahil tanggap na ang prostitusyon sa lipunan, lalong nahihikayat ang mga babae na pumasok sa ganitong uri ng trabaho. Dumadami ang bilang ng mga babaeng nawawalan ng dignidad bilang mga tao at sila ay nagiging isa na lamang obheto ng sekswal na pagnanasa. Ginagamit din sila ng mga brothel owners upang pagkakitaan. Ngunit kung susuriin, lalong lumalabag sa karapatan at dignidad ng mga babae ang patagong prostitusyon dahil mas itinuturing sila dito bilang mga kagamitan na walang karapatan at dignidad. Ang trato sa kanila ay ibang-iba sa trato ng ng mga amo sa kanilang mga manggagawa. Mas nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso ang mga prostitutes dahil walang batas sa gobyerno ang susuporta o tatanggol sa kanila.

Sa pagsasalegal ng propesyon ng prostitusyon, maiiwasan ang ganitong uri ng mga problema. Mas mabibigyang proteksyon ang mga prostitutes pati na rin ang kanilang kapakanan at karapatan. Wala nang dahilan para sila ay aabusuhin ng kanilang mga kliyente o amo dahil sila ay nasa ilalim na ng batas ng gobyerno. Sa legalisasyon ng prostitusyon, aangat ang antas ng mga babaeng napilitan lamang magtrabaho bilang mga prostitutes. Sila ay ituturing bilang mga karaniwang empleyado na nararapat din magkamit ng mga benepisyo at karapatan na nakukuha ng ibang mga empleyado.

Dagdag pa nito, mabibigyan din sila ng pagkakataong makatutulong sa ekonomikong sitwasyon ng bansa. Malaking tulong na ang kita ng mga prostitutes at brothel owners na mapupunta sa gobyerno sa pamamagitan ng taxation.

Mas maraming benepisyo ang legalisasyon ng prostitusyon kaysa sa pagtanggal ng prostitusyon sa konteksto ng Pilipinas. Kung hindi kayang isugpo ng tradisyonal na gawain tulad ng pagsasabatas laban sa prostitusyon, prosekusyon ng mga prostitutes at ang kanilang mga kliyente ang suliraning prostitusyon sa bansa, mas nanaisin kapag ito ay gawing legal. Dahil dito, mas kontrolado ang isyung prostitusyon dito sa bansa at naaangat pa nito ang kalagayan ng mga taong napilitan lang pumasok sa prostitusyon dahil sa mga pang-ekonomikong dahilan (Caroline Peralta, personal communication, February 17, 2009). Karapatan ng bawat manggagawa dito sa bansa ang magkaroon ng mabuting kondisyon sa kanyang trabahong pinasukan.

Sanggunian

Gelacio, Melvi, et al. (2000). Gimik! Sa Quezon Avenue at Cubao. BUKAL.

Ilagan, L. (2004, December 12). Trafficking of Kids, Women increase in RP, says group. Trafficking.Org. Retrieved February 11 2009 from http://trafficking.org.ph/v5/index.php?option=com_content&task=view&id=1277&Itemid=56>

Jeffreys, S., & Sullivan, M. (n.d.) Legalising Prostitution Is Not The Answer: The Example of Victoria, Australia. Australia: Coalition Against Trafficking in Women (Australia).

Liberator, M. (2005, December 8). Legalized Prostitution: Regulating the Oldest Profession. The Liberator. Retrieved January 4 2009 from http://liberator.net/articles/prostitution.html

Ofreneo, R. E., & Ofreneo, R. P. (1998). Prostitution in The Philippines. The Sex Sector: The Economic and Social Bases of Prostitution in South East Asia. Great Britain: International Labour Organization.

Pascual, P. (1995). Philippine Working Children: The 1995 National Statistics Survey. Philippines: Institute on Church and Social Issues.

Kittle and Carpo Consulting. (2008). Philippine Labor and Employment. Retrieved January 22, 2009 from http://www.kittelsoncarpo.com/philippines-taxes

Kittleson and Carpo Consulting. (2008). Philippine Taxes. Retrieved January 22, 2009 from http://www.kittelsoncarpo.com/philippines-taxes

Quezon, M. III. ( 2008, July 21). Legalizing Prostitution. Philippine Daily Inquirer. Retrieved January 4, 2009 from http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20080721-149672/Legalizing-prostitution

Chan-Robles Virtual Law Library. (1998). Republic Act No. 9280. January 20, 2009 from http://www.chanrobles.com/republicactno9208.html

Rialp, V. (1993). Children and hazardous work in the Philippines. Geneva: International Labour Office.

Uy, M. (2006). Fighting the Double Burden of Malnutrition. Research Paper Ateneo de Manila University.

Review ng Huling Pasada

Ni Katrina Gonzales


Kilala tayong mga Pilipino bilang mga masayahing tao. Kahit mahirap na ang sitwasyon, nakakahanap tayo ng dahilan para maging masaya. Kahit sa mga sine, mas tinatangkilik ang mga kwentong romansa at katatawanan. Ito marahil ang dahilan kung bakit naging indie film ang Huling Pasada. Ito ay isang kwentong umiikot sa dalawang istoryang pinagkokonekta ng mga similar na elemento. Ang unang storya ay ang istorya ni ni Ruby. Siya ay isang baog na babae na iniwanan ng kanyang asawa. Ang ikalawang kwento ay ang istorya ni Mario. Siya ay isang taxi driver at kakabalik lang ng kanyang dating nobya na pumunta sa Amerika. Sa kanyang pakikipagsapalaran sa kalye nakilala niya si Jed, isang batang kalye na may malungkot na buhay. Sa simula, nagmukhang dalawang magkahiwalay na istorya ang kwento ng pelikulang ito. Subalit ang kanyang kakaiba at malikhain na kwento nito ay nagpakita ng koneksyon sa mga tauhan nito. Kaaya-aya ang cinematography nito. Magaling ang paggamit ng ilaw upang makadagdag ng epekto sa mga eksena. Subalit ang pinakamatingkad na elemento ng sineng ito na kumuha ng atensyon ko ay ang mga simbolismong ginamit. Hindi lamang ito nagpapayaman sa kwento, nagamit din sila upang mas matali ang kwento at ang katotohanan.

Isa sa mga simbolismo na ginamit sa kwentong ito ay ang tauhan na sa Ruby. Siya ay nakadepende sa taksi upang makapaglakbay. Ang kanyang tauhan ay maraming pinepresenta. Una, ang kanyang pagdepende niya sa taxi ay nagpapahiwatig na hindi siya tumatayo para sa kanyang sarili. Ang kanyang sitwasyon ay katulad sa ating mga Pilipino. Kadalasang nakikialam ang mga dayuhan sa mga problema ng ating bansa. Sa larangan ng pera, madalas tayong umutang sa World Bank para makuha ang mga pondo na kailangan. Susunod, ang kanyang pagiging baog ay simbolo ng kahinaan. Kung ihahambing sa ating bansa, ito ay ang hindi pagkakaroon ng abilidad na makabuo ng maraming bagay. Maaari itong ikonekta sa kakulangan ng bigas o sa hindi pagkakaroon ng krudo sa ating bansa. Mayroong parte ng sine kung saan nakipagtalik si Ruby sa isang taxi driver. Siya ay umiiyak habang ginagawa ito. Pinapahiwatig nito na kahit malungkot man, ganoon ang pagkatao niya at kailangan niya itong tanggapin. Marahil panahon na rin upang tanggapin ang ating kahinaan?

Bihira ang pelikulang gawang Pilipino na gumagamit ng maraming simbolismo tulad nito. Ang hilig ng mga Pilipino ay ang mga pelikulang komedya na magaan sa puso. Kung ihahambing ang pelikulang ito sa isa pang indie film na Idol: Pag-asa ng Bayan, mas madilim ang storya nito. Malungkot din ang iniikutang istorya ng Idol subalit hindi ito kumokonekta sa ibang storya. Ang Idol ay nakapokus sa isang tauhan at ang kanyang storya. Kahit mas madilim ng kaunti ang tema ng Huling Pasada, ito ay nabawi sa masayang katapusan. Ang Idol ay nagtapos sa isang kalungkot-lungkot na gawain ng pangunahing tauhan. Sa kategorya naman ng simbolismo at diwa, sila ay magkapantay. Sa parehas na pelikula, ang manonood ay mapapaisip. Hindi sila tulad ng mga komedya na pinapanood lamang para pagpaaliw. Sa panonood ng mga indie films na ito, ang tunay na kaaliwan ay nahahanap sa pagkakaintindi ng pagkakakonekta ng mga storya. Base storya, cinematography at mensahe, binibigyan ko ang Huling Pasada ng limang bituin. Ito ay nagpapahiwatig ng katotohanan sa isang simpleng tagpuan.

Larawan http://4.bp.blogspot.com

Kung Paano Pasarapin ang Mango Float


Ni Louise Ingrid D. Salud

Mango float –sa pangalan pa lang naririnig ko na ang ingay ng aking sikmura at parang nararamdaman ko pa ang tulo ng laway sa aking bibig. Dahil para kang literal na lumilitaw dulot ng lasa at pangalan nito, hindi nagkakamali ang sinumang tao na pangalanan ito na “mango float”. Noon, ang ina ko pa ang gumagawa ng panghimagas na ito para sa akin. Ngayon, lumaki na ako at natutong gumawa ng sarili kong mango float na masasabi kong naiiba talaga sa tradisyonal na mango float. Ang sikreto? Dadagdagan ko ito ng hilaw na mangga at tsokolate.

Gawa sa condensed milk, graham crackers, tsokolate, at mangga, ginawa ang mango float sa pinagpatong-patong na mga kasangkapan sa isang lalagyan na patag. At para maiba ang mango float mo, nilagyan ko ito ng dinurog na tsokolate at saka mga konting kapiraso ng hiniwang hilaw na mangga. Pagkatapos, papalamigin ko muna ito sa ref ng kalahating araw. Madali ngunit nakakaubos ng oras ang paggawa ng mango float. Hindi bale dahil sulit na sulit naman ang abala ko pagdating ng oras ng kainan. Kung pang-merienda, pwede na ang coke para ipares ko dito.

Masasabi kong isa nga itong katakam-katam na panghimagas dahil hinihikayat ako nitong kainin siya sa unang tingin ko pa lang dito. Ngunit madedehado pa ako dito dahil kailangan ko pa itong palamigin ng kalahating-araw sapagkat ang lamig ang siyang nagpapasarap nito nang husto. Dito ako magdudurusa na para bang may gusto akong makuha ngunit hindi pa tama ang panahon at kailangan ko pang maghintay.

Nang dumating na ang oras ng kainan, tiyak na hindi ako makakahintay na kainin ang pagkain na siyang pantasya ng aking sikmura. At nang isubo ko na ito, nalalagay ako sa kabaliwan dahil nalilito ako kung ano ba talaga ang nagpapasarap sa panghimagas na ito: ang lasa ng hilaw na mangga o ang pinag-isang lasa ng hinog na mangga, gatas at tsokolateng natutunaw mismo sa dila mo. Sa huli, masasabi kong ang kumbinasyon ng dalawang lasa ang siyang lalong nagpasarap sa mango float ko.

Hindi ako makahintay na kainin ang pinakapaborito kong panghimagas. Habang naghihintay ako na lumamig na ito, naiinip ako at nadedehado. Ganyan naman talaga ang likas na ugali ng tao: ang pagmamadaling makamit ang mga bagay kahit wala pa ito sa takdang-oras.

Kaya nang pumasok ako sa kolehiyo dito sa Manila, hindi ko maiwasang mapansin ang mga bagay-bagay na kadalasan ay taboo sa hayskul noon tulad lamang ng pre-marital sex, ang pakikipagtalik sa labas ng kasalan. Sa hayskul, bihira akong makarinig ng usapang sex. Pero dito sa kolehiyo, kahit saan, maging ang mga dulang pinapalabas o mga artikulong sinusulat sa dyaryo ng paaralan ay mayroong kinalaman sa sex. Nang pansinin ko ang kanilang pananaw sa sex, iisa lang ang sinasabi nila. Masarap ang sex.

Masarap ang sex ngunit hindi mo alam kung anong aspeto nito ang siyang nagpapasarap sa kanya. May nagsasabi na importante sa sex ang magawa mo ito kasama ang iyong minamahal sa buhay para mas maging makabuluhan. Mayroon din silang tinatawag na pinagsamang pain and pleasure na siyang pinakamagandang katangian ng sex. Ang lahat ng ito ay hindi ko tuluyang maintindihan dahil hindi ko pa natikman ang ganitong uri ng pagkain.

Kaya siguro hindi makahintay ang ibang mga estudyante na sumubok sa isang sekswal na gawain. Dahil sa impormasyong nasagap nila sa iba’t ibang bahagi ng lipunan tulad ng media, paaralan at mga ibang tao mismo, marami ang gustong makaranas ng pre-marital sex. Gusto nilang matikman ang isa sa mga masarap at magandang bahagi ng buhay ng tao.

Ngunit masarap pa ba ang pre-marital sex kung ang kapalit nito ay ang iyong di-pinlanong pagbubuntis kung saan mapipilitan kang tumigil sa pag-aaral? Masarap pa ba ito kung ikaw ay hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil tinanggal kana sa paaralang pinasukan mo? Masasabi mo pa bang masarap ang pre-marital sex kung saan ang kinabukasan mo mismo ay nasira sa isang saglit lamang?

Naalala ko tuloy ang kaklase kong hindi makapag-aral sa kolehiyo dahil nabuntis siya sa huling taon ng hayskul. Dahil sa gastos ng panganganak at pag-aalaga sa kanyang bagong anghel, nabaon ang kanyang pamilya sa utang. Mataas sana ang maabot niya sa buhay dahil matalino at may potensyal ang kaklase ko. Pero dahil sa ilang minutong kaligayahan dulot ng pre-marital sex, nasira tuloy ang mga pangarap niya para sa kanyang sarili.

Ang sex ay parang isang mango float. Pareho silang masarap. Pero katulad ng mango float, kailangan din dito maghintay sa tamang-oras para malasap ang tunay na sarap at kaligayahan ng sex. Subukan mong kumain ng mango float na kulang sa lamig at ikumpara mo ito sa mango float na pinalamig sa ref ng kalahating araw. Kahit pareho lang ang lasa ng dalawa, hindi mo maitatanggi na mas masarap ang pinalamig na mango float.

Tinuruan ako ng nanay ko sa tamang paggawa ng mango float. Hindi man niya sinasabi ng diretso, pero tinuturuan din niya akong maghintay sa tamang oras para subukin ang mga bagay na hindi pa nararapat para sa akin ngayon.

Kahit mapanukso at mapang-akit ang lipunang kinabibilangan ko ngayon, hindi ako magpapadala sa dehadong kalagayan ko. Kaya kong maghintay sa takdang oras.

Bago ko kainin ang ginawa kong mango float, sinisiguro ko muna na pinalamig na ito ng tamang oras para sigurado akong kinakain ko ang aking mango float sa kanyang pinakasarap na kalidad. Ayaw kong madismaya pagdating sa pagkain, lalung-lalo na sa paborito kong panghimagas.

Masakit isipin na kayang sirain ng ilang minutong kaligayahan ang mga pangarap kong nabuo sa labimpitong taon na pagkabuhay. Kaya habang hindi pa ako nakapagtapos ng B.S. Communications Technology Management, Minor in French Studies (sa ngayon), at habang hindi ko pa natupad ang mga pangarap ko sa buhay, makahihintay ang sex.

Japayuki: Sa Kamay ng mga Hapon


Ni Recell Gaila G. Tabernilla

Sa paglipas ng maraming taon, naging kanlungan na ng maraming Pilipino ang ibang bansa bilang sagot sa patuloy na kahirapang nadarama rito sa Pilipinas. Marami na ang mga bansang napuntahan ng mga Pilipino upang magkaroon ng mas nakaaangat na mapagkakakitaan at nang may maipadala sa naghihirap na pamilyang naiwan sa Pilipinas. Isa sa mga bansang ito ay ang Japan kung saan maraming mga kababayan natin ang nagtatrabaho bilang entertainers o Japayuki.

Masasabing hindi masama ang pagiging entertainer dahil sa tulong na naihahatid nito sa kanilang mga pamilya at sa ekonomiya ng ating bansa ngunit dahil sa mga negatibong naririnig ng mga tao tungkol sa mga nangyayari sa mga nasabing manggagawa ay nagkakaroon ito ng masamang imahe.

Nagsimula ang industriya ng entertainment sa Japan noong Tokugawa Era (1603-1867) at nagpapatuloy hanggang ngayon dahil sa naidudulot nito sa sektor ng negosyo. Nagsimula namang pumunta ng Japan ang mga Pilipina noong dekada ‘60 bilang mga propesyunal na mang-aawit, musikero, at mananayaw. Nang sumapit ang huling bahagi ng dekada ‘70 hanggang sa simula ng dekada ’80, mas nangailangan ang Japan ng mas maraming mananayaw na babae at napabilang na nga dito ang mga Pilipina.

Sa pagtatrabaho nila sa Japan, nakakaranas sila ng pisikal na abuso, maling pagtrato, panghaharas, di makatarungang pagsusweldo, at pambibiktima ng mga ilegal na employer. Nalalabag hindi lamang ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa kundi pati ang kanilang mga karapatan bilang tao. Ang mga manggagawa, kahit pa sa ibang bansa, ay may karapatang makatanggap ng sweldo, benepisyo at proteksyon kapalit ng oras na kanilang ipinagtrabaho. At, bilang tao, nalalabag ang kanilang dignidad, at kalayaan.

Maraming mga abusong nararanasan ang isang entertainer. Isa dito ang iregularidad sa sweldong kanilang natatanggap. Nakadepende ang kanilang sweldong matatanggap sa maraming bagay. Ilan dito ay ang hatian sa pagitan ng entertainer at ng kanyang ahente, ang kota na ibinibigay ng club na pinapasukan, ang pagkagalante ng kliyente, at ang serbisyong handang ibigay ng isang entertainer sa kanyang kliyente. Kung ninanais na magkaroon ng mataas na kita, minsan ay kinakailangan nilang makipagtalik sa kliyente.

May mga programang inilunsad ang gobyerno dito sa Pilipinas na naglalayong mahasa ang talento sa pag-awit at pagsayaw ng mga entertainers na nagbabalak na magtrabaho sa Japan ngunit kahit pa maganda ang intensyon ng mga programang ito, hindi naman ito nasusulit kapag nagtatrabaho na ang mga Pilipina. Upang magkaroon ng mas mataas na kita, hindi lamang pag-awit at pagsayaw ang kanilang ginagawa. Kinakailangan nilang tumabi sa mga lalaking kliyente at gawin ang kahit anong gusto ng kanilang kliyente upang maabot ang kota ng club na kanilang pinapasukan. Umaabot pa sa puntong binabayaran ng kanilang mga kliyente ang dohan ng club upang hayaang makipagkita sa kanila sa labas ng club ang mga entertainers. Nangangahulugan lamang ito na sa loob man o sa labas ng pinagtatrabahuhang establisyemento ay may nangyayaring sekswal na gawain sa pagitan ng Japayuki at ng kanilang mga kliyente.

Nang dahil sa bagong batas na ipinasa ng Japan tungkol sa mga dayuhang nagtatrabaho sa kanilang bansa ay bahagyang kumonti ang mga natanggap na remittances ng ating bansa. Isa pang naging epekto ng batas na ito ay ang pananatili ng ibang mga Pilipina sa Japan kahit na tapos na ang kanilang kontrata. Nagreresulta ito sa pagtatrabaho nila ng mas matagal at mas mababang kita. Napipilitan ang mga entertainers na magpatuloy sa pagtatrabaho sa Japan kahit pa sila ay maging ilegal na manggagawa. Sa ganitong sistema, nawawalan sila ng karapatang magkaroon ng pantay na benepisyo tulad ng sa mga legal na manggagawang dayuhan at mas may tsansa silang maloko, madaya, at maabuso.

Bukod sa mga iregularidad tungkol sa sweldo kung saan may mga kasong mas malaki pa ang kinikita sa kanila ng mga amo nila sa club at mga ahensyang nagpadala sa kanila sa Japan, may iba pang mga abuso na nararanasan ang mga Japayuki. Kabilang na dito ang panggagahasa na nararanasan ng isang Japayuki kasama ang kanyang kliyente. Bagama’t binayaran ang Japayuki upang mailabas, hindi ito laging nangangahulugang pumapayag siya na makilahok sa mga sekswal na gawain o pakikipagtalik. Ikalawa, naaabuso rin sila sa pamamagitan ng pagkontrol ng mga amo nila sa kanilang mga pasaporte, ang pagkukulong sa kanila sa loob ng kanilang tinutuluyan, at ang pagbabawal sa kanilang makatawag sa pamilya sa Pilipinas. Ikatlo, ang kanilang pagiging babae ay ginagamit bilang instrumento ng prostitusyon. Bilang isang Pilipina na nasa bansa ng mga banyaga na nagpapakain sa kanila, wala silang ibang mapagpipilian kundi ang pumasok sa ganitong sistema ng empleyo.

Nang dahil sa ganitong mga pangyayari, may mga kasong nawawala na sa katinuan ang entertainer. Nagkakaroon din ng sikolohikal na problema dahil sa depresyon, kalungkutan, pagod, at abusong nararanasan ang isang Japayuki. Hindi bumababa sa sampu ang bilang ng mga Pilipina entertainers sa isang taon ang nagkakaroon ng ganitong karamdaman.

Ang pagtatrabaho ng maraming mga Pilipina sa Japan ay isang magandang intensyon upang magkaroon ng masaganang buhay ang kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Sa pagtatrabaho nila sa ibang bansa, nagiging kapalit naman nito ay ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Nangangahulugan ito na kailangan nilang indahin ang mga abuso para lamang sa masaganang buhay para sa kanilang pamilya.

Sanggunian:

Anderson, J.N. (n.d.) .Filipina migrants to Japan: entertainers, house helpers and homemakers. Child Trafficking. Retrieved January 26, 2009 from http://www.childtrafficking.com/Docs/anderson_filipina_migrants.pdf


Batis Center for Women. (2005). Japan immigration policy: against women. Japan Indymedia. Retrieved Jan. 26, 2009 from http://japan.indymedia.org/newswire/display/1996/index.php.

Ballescas, Ma. Rosario P. (1992). Filipino Entertainers in Japan: An Introduction.

Quezon City: Foundation for Nationalist Studies Inc.

Nuqui, Carmelita G. (n.d.). Why We Support Japan’s New Immigration Policy On

Entertainers. OFW Journalism. Retrieved Jan. 26, 2009 from http://www.ofwjournalism.net/previousweb/vol4no1/latestories412.php.

Uy, Veronica. (2007 January 28). Number of Filipino entertainers in Japan steadily declining.

The Philippine daily inquirer. Retrieved Jan. 26, 2009 from

http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews

/view_article.php?article_id=42276>.

Clearing a Hurried Path: Study on Education Programs for Migrant Workers in Six Asian

Countries. (2001). Quezon City: Migrant Forum in Asia.

OCW’s in Crisis: Protecting Filipino migrant workers. (1995). Makati City: Ateneo Human Rights Center.

Sex Education sa Pilipinas

Ni Maci Norenz Golez Ilicito

Iba’t-iba ang ibinibigay na kahulugan ng iba’t ibang sector sa sex education. Para sa mga Filipinong guro, ito ay instruksyon at pagsasanay para sa mga mag-aaral tungkol sa sex at sexualidad, upang matulungan silang makabuo ng mga “normal at mabuting pananaw tungkol sa sex (Fontanilla, 2003). Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines

(CBCP), ang edukasyon ng kabataan ay karapatan ng kanilang magulan (Sangguniang Laiko ng Pilipinas, 1999). Ayon sa Sexuality Information and Education Council of the United States (SIECUS), ito ay ang panghabang-buhay na pagkalap ng impormasyon at pagbubuo ng pananaw tungkol mga siyentipiko at sikolohikal na aspeto ng sexualidad sa pamamagitan ng kumprehensibong sex education (Sexuality Education Q & A, n.d.).

Pinapakita ng iba’t ibang pananaw na ito ang iba’t ibang paniniwala ukol sa pagtuturo ng sex at sexualidad sa mga bata. Noong 2006, naghanda ng mga modyul ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Nagprotesta ang Catholic Bishops’

Conference of the Philippines (CBCP), at nagkaroon ng tug-of-war sa pagitan ng dalawang panig para sa mga modyul na ito. Sa huli, may mga ilang paaralan ang naglagay ng sex education sa kanilang kurikulo, ngunit ang kurso ay hindi sing-organisa kung ang mga modyul ay naaprubahan (Punay, 2006).

Nabuhay ang debate noong 2008, nang ihain ng DepEd ang Reproductive Health and Development Act of 2008 (RH Bill). Ito ay may kasamang probisyon para sa reproductive health education para sa kabataan (Lagman, 2008). Tulad ng inaasahan, laban dito ang Simbahan at iba pang relihiyosong pangkat. Ayon sa Simbahan ang RH Bill ay “anti-life” sapagkat ayon sa doktrina, ang buhay ng isang tao ay nagsisimula sa pertilisasyon ng itlog sa matris ng babae Pinalalaganap din daw ng sex education ang pre-marital sex (PMS). (Church reply to the reproductive health bill, 2008).

Ang sex education ay pinaniniwalaang mahalaga dahil sa mga isyung bumabagabag sa lipunan. Ayon sa bagong Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS3), ang mga trend sa PMS at pagbubuntis ng kabataan ay lumaki mula taong 1994 hanggang 2002. Sa katotohanan, ang bilang ng mga 15-19 taong gulang na mga bata ay lumaki ng 45%. 23.1% ng kabataan ay nakapagtalik na. Hindi ito ganoon kalaki ang bilang na ito kumpara sa ibang bansa, ngunit para sa isang bansang “moral,” isa itong nakakabagabag na isyu. Bukod pa rito apat mula sa sampung ipinapanganak na sanggol ay hindi pinlano (Demographic Research and Development Foundation, Inc, 2004). Ang aksidenteng pagbubuntis ay nagtutulak sa mga bata na mag-drop out sa paaralan (Sobritechea et al., 2005). 18% ng mga babae at 21% ng mga lalaki lamang ang naghanap ng tulong para sa mga problema sa reproduktibong kalusugan. Bagaman karamihan ng kabataan ay may ilang kaalaman tungkol sa AIDS, 73.4% sa kanila ang nainiwalang hindi sila makakakuha nito at 27.8% ang nainiwalang may lunas ito. Ang panghuling bilang ay isang malaking pagkakaiba sa pigura noong 1994 (12.5%). Sa madaling salita, kulang ang kaalaman ng kabataan ukol sa reproduktibong kalusugan (Demographic Research and Development Foundation, Inc, 2004).

Iminungkahi ng mga pag-aaral tulad ng YAFS3 na kailangan ng mga interbensyon tulad ng sex education.

May iba’t ibang paraan ng pagtuturo ng sex education sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Maaari itong igrupo sa apat: tradisyunal, abstinence-only, abstinence-plus, at kumprehensibo. Ang tradisyunal na paraan ay nakatuon sa biolohikal na aspeto ng sexualidad, tulad ng mga proseso ng katawan (e.g. regla), ngunit walang pansin sa mga sikolohikal na aspeto. Ang abstinence-only na paraan ay nagtuturong abstinence o pag-iwas sa pakikipagtalik ang tanging opsyon. Nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa kontrsepsyon, ngunit ipinapakita lang kung paano ito maaaring mabigo.

Ang abstinence-plus ay nagtuturo ng abstinence bilang pinakamainam na opsyon, ngunit nagbibigay din ng impormasyon tungkol sa “mas ligtas” na pakikipagtalik. Ang kumprehensibong paraan na inaadbokasya ng SIECUS ay nagbibigay ng buong rebyu ng lahat ng maaaring gamiting paraan ng ligtas na pakikipagtalik. Hindi ito nagpopromota ng natatanging kodigo ng mga etika (Sobritchea et. al, 2005).

Marami nang mga pag-aaral ang nagsasabing ang tradisyunal na paraan ay hindi mabisa. Ang pagturo ay dapat nakabase sa impormasyon at hindi sa pananakot (Demographic Research and Development Foundation, Inc, 2004).

Kung ang layunin ng sex education ay maiawasan ang pagbubuntis ng kabataan at STD, ngunit hindi PMS, masasabing ang abstinence-plus at kumprehensibong paraan ang pinakaepektibo. Ang Netherlands, kung saan pinakamababa ang mga bilang ng pagbubuntis at AIDS ay pinakamababa sa buong mundo, ay gumagamit ng abstinence-plus. Mas mababa rin ang kaso ng aborsyon dito. Sa katotohanan, ang mga tinedyer nila ay nagtatalik sa unang pagkakataon sa mas matandang edad, 17.7 taon, kumpara sa 16.3 taon ng United States (na gumagamit ng abstinence-only). Sa gayon, hindi masasabing nagpropromota ng pagkahilig sa sex ang sex education.

Ganito ang kaso sa mga bansa told ng Netherlands kung saan tanggap ang mga mas liberal na ugali ukol sa sex. Iba ang kaso sa Pilipinas, kung saan halos lahat ng tao ay Katoliko or Kristyano.

Ang sex education na iminumungkahi ng RH Bill ay tatalakakay sa PMS, komersyal na sex, aborsyon, homosexualidad, mga epekto ng di protektadong sex, mga sikolohikal at emosyonal na aspeto ng sexualidad ng mga kabataan, STD, at mga benepisyo ng abstinence (Lagman 2008). Makikita nating na sa gitna ng abstinence-only ang core ng pinaplanong kurikulo, bagaman mas kumprehensibo ito, gaya ng abstinence-plus.

Gayunpaman, hindi ito tanggap ng ibang sektor gaya ng mga relihiyosong grupo tulad ng Katolikong Simbahan. Inaasahan naming makakagawa ng negosasyon, alang-alang sa mga lumalaking problema ng mga isyung reproduktibo at sekswal ng kabataan.

Itinuturo ang sex education sa ilang paaralan. Kwestyonable nga lamang ang kredibilidad ng mga programang ito. Isang sarbey na ginawa sa Lungsod ng Davao ang nagpakitang hindi tiwala ang mga mag-aaral sa kakayanan ng kanilang mga guro (Fernandez, 2007). Isang teksbuk na ginagamit ng isang pampublikong paaralan sa Pampanga ang nagmumungkahi ng paggamit ng mga talong at saging sa instruksyong ng paggamit ng condom (Esguerra & Papa, 2006).

Naglalayon ang RH Bill na magkaroon ng unipormeng programa ng sex education gamit ang abstinence-only na paraan. Paano magiging matagumpay ang planong ito?

Ayon kina Batangan et al (2001), ang pormal na sex education ay dapat magsimula oras na “mature” na ang mag-aaral. Nais ng RH Bill na simulan ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng Grade 5. Sa ganitong paraan, nagiging handa ang mga bata sa pagdating pagbibinata at pagdadalaga (puberty).

May apat na aspeto ang sexualidad ng mga tao – biolohikal, sikolohikal, socio-kultural, at moral. Mahalaga ang mga ito sa pag-unlad ng sexualidad bilang integral na bahagi ng personalidad. Sa gayon, dito dapat umikot ang sex education (Fontanilla, 2003).

Ayon kina Kirby, Atler, at Scales (1970) (sipi ni Fontanilla, 2003), ito ang mga layunin ng sex education:

  • Magbigay ng impormasyon ukol sa sex at sexualidad
  • Tulungan ang mga mag-aaral na gumawa ng matinong desisyon ukol sa kanilang sexualidad
  • Tulungan ang mga mag-aaral na maunawaan at matanggap ang iba’t ibang sexual lifestyle
  • Mabawasan ang suliraning nag-uugat sa sexualidad

Ang akmang guro para sa sex education ay dapat propesyonal, maalam, at kumportable sa kanyang paksa. Dapat ay pinahahalagahan niya ang kanyang mga estudyante (Sobritchea et. al, 2005).

Napakita ng ibang bansa na ang abstinence-plus na paraan ang pinakaepektibo, ngunit hindi naman ibig sabihin nito’y ganito rin ang kaso sa Pilipinas. Ang mga bilang ng kaganapan ng PMS, pagbubuntis ng mga kabataan, at STD sa Pilipinas ay di sing-taas ng sa ibang bansa tulad ng United States, ngunit nakakabagabag pa rin ito. Maaari itong malunasan ng programang sex education ng RH Bill. Kailangan na lang itong maaprubahan.

Pinaniniwalaan ng Simbahang Katoliko na ang sex education ay karapatan ng mga magulang. Gayunpaman, maaaring magkaroon ng kompromiso. Maaaring makisali ang mga magulang sa programa. Nag mga paaaralan ay dapat maging tulay sa pagitan ng mga magulang at anak (Aguilar, 2002). Sabi rin nina Gurian (2001) na mas epektibo ang sex education kung magkakasama ang mga magulang, guro, at iba pang counsellor sa pagtuturo.

Ang mga isyu tulad ng PMS, teenage pregnancy, at problema reproduktibong kalusugan ay mga totoong banta sa kabataan g Pilipinas. Mahalagang pagtuunan ng pansin ang edukasyong pansexualidad sapagkat mga esensyal na aspeto ito ng buhay.

Sanggunian

Aguilar, E.J.T., F. Amadra-Nolasco., & J.E. Bersales. (2002). Breaking the mold: Promoting young people’s reproductive health: Final report of the young people’s reproductive health project (2000002). Cebu City: University of San Carlos Sociology-Anthropology Research Group, Department of Sociology and Anthropology.

Batangan, M.T.U., H. Cabano-Espanola, M.L Tan. (2001). Love and desire: Young Filipinos and sexual risks. Diliman, Q.C.: University of the Philippines University Center for Women’s Studies.

Church reply to reproductive health bill (2008 August 16). The Philippine Daily Inquirer. Retrieved from http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/talkofthetown/view/20080816-155092/Church-reply-to-reproductive-health-bill-facts-fallacies.

Demographic Research and Development Foundation, Inc. (2004) Youth sex and risk behavior in the Philippines: A report on a nationwide study: 2002 Young adult fertility and sexuality study (YAFS3). Diliman, QC: University of the Philippines Population Institute.

Esguerra, C.V. & A. Papa (2006, June 28). Talong, banana in sex ed classes. The Philippine Daily Inquirer, pp. A1, A5.

Fernandez, R.A (2007 January 15). Davao City students want credible teachers on sex education. The Philippine Star, pp. A24, A25.

Fontanilla, M.A.C. (2003). Instructional modules on sex education for college students. Sampaloc, Manila: Rex Bookstore, Inc.

Gurian M., P. Henley, T. Trueman. (2001). Boys and girls learn differently: A guide for teachers and parents. San Francisco, CA: Jossey-Bass.

Lagman, E. (2008 August 3). Reproductive health bill: Facts, fallacies. The Philippine Daily Inquirer. Retrieved from http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/talkofthetown/view/20080803-152296/Reproductive-health-bill-Facts-fallacies.

Lerman, E. (2000). Safer sex: The new morality. Buena Park, CA: Morning Glory Press.

Sangguiniang Laiko ng Pilipinas: Church of Home Committee (1999). Sex education in the family: A church of the home committee manual. Manila: Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Sexuality Education Q&A. (n.d.). In Sexuality Education and Information Council of the United States. Retrieved August 12, 2008, from http://www.siecus.org/index.cfm?fuseaction=page.viewpage&pageid=521&grandparentID=477&parentID=514.

Sobritchea, C.I., et. al. (2005). Training modules for sexuality education and reproductive health. Diliman QC: University of the Philippines University Center for Women’s Studies Foundation, Inc.

Larawan http://farm1.static.flickr.com/ http://puppyluvdc.com/

Kasarian, Kasaysayan at mga Usapin ng Kapayapaan sa Muslim Mindanao



Ni Ma. Ivana Maud J. Pacis

Walang habas na putukan at hindi pagkakaunawaang bunsod ng pagkakaiba sa mga paniniwala at relihiyon, iyan ang masalimoot na realidad na bumabalot sa Mindanao. Hindi lamang pisikal na giyera ang nagaganap doon kundi pati na rin ang sikolohikal na digmaan sa pagitan ng mga kababaihan at kalalakihan at ang kani-kanilang mga ginagampanang tungkulin sa komunidad. Ayon sa pagsasaliksik na ginawa ni Adila Abusharaf , hindi na lingid sa kaalaman ng nakararami ang kawalan ng karapatan ng mga kababaihang Muslim na maipahayag ang kaniyang pagkukuro (2003). Natukoy niya ang pangunahing sanhi ng problemang ito, ang relihiyon mismo na nagtatakda ng mga katungkulan at nagdidikta ng mga karapatan ng mga kababaihan.


Ang kababaihang Muslim, tulad din ng mga karamihan sa kalalakihang Muslim, ay naglalayon nang wakasan ang giyerang pampulitikal na ito. Hindi na lamang ito giyera sa pagitan ng Kristiyano’t Muslim kundi isang giyera sa pagitan ng dalawang pangkat na iisa ang lahi. Sa kasalukuyan, ang gobyerno, partikular na ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Processes (OPAPP) ay lumikha ng mga programang naglalayon na kilalanin ang kakayahan ng mga kababaihan na makibahagi sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-kapayapaan. Ang mga proyektong pang-kapayapaan na ito ay nagnanasang pagbutihin ang kalagayan ng mga conflict areas sa Mindanao.

Kahit kailanman hindi nasulusyonan ng giyera ang masidhing hidwaan sa pagitan ng mga nagkakagulong pangkat. Kailangan ng humanap ng ibang paraan ng pagtalakay sa usapin ng kapayapaan. “Ang kailangan dito’y isip, hindi dahas.” ayon nga sa Lysistrata ni Aristophanes. Kung tutuusin, ang mga kababaihan ay likas na mapagkumbaba kumpara sa kalalakihan. Makailang beses na itong pinatotohanan ng mga pagsasaliksik na ginawa ng mga dalubhasang sikoloho. Kinikilala din ng gobyerno ang likas na kakayahan na ito ng mga kababaihan na nagbunsod sa aktibong partisipasyon ng kababaihan sa mga konsultasyon ukol sa pagpapatupad ng repormang pansosyolohikal.

Sa likod ng umaatikabong giriang pampulitikal nagtatago ang isa pang tahimik na giyerang namamagitan sa mga mamamayan ng Mindanao. Lahi laban sa lahi, Kalalakihan laban sa Kababaihan. Dahil sa ingay na dala ng giyerang pampulitikal sa bansa, unti-unti nitong nasasakluban ang isa sa mga pinaka-importanteng usapin sa bansa pertikular na sa Mindanao: ang hindi patas na pagtingin sa Kababaihan at Kalalakihang Muslim.

Kahalintulad ng mga nabanggit na sitwasyon sa itaas, hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang tinatamasang kalagayan ng mga kababaihang Muslim. Dahilan na nakasaad ito sa Qur’an, inaasahan na mananatili lamang sa bahay ang lahat ng mga kababaihan Muslim upang mag-alaga ng anak at magsilbi sa kanilang asawa. Limitado ang karapatan ng kababaihan sa mga gawaing pantahanan lamang. Higit pa dito, mababa ang tingin sa kanila ng kanilang kalalakihan at itinuturing lamang silang mga kasangkapan na maaaring isangla at ipambayad utang sa pamamagitan ng mga pinagkasundong kasal sa isang lalaki mula sa pamilyang pinagkakautangan.

Ito ang realidad sa Muslim Mindanao. Ang kababaihan ay nakatali lamang sa bahay habang ang kalalakihan ay tumatamasa ng lahat ng mga bagay na nararapat ding nararanasan ng kababaihan katulad na lamang ng karapatan sa edukasyon. Dahil sa katotohanang ito, maraming kababaihan ang napipilitang makilahok sa giyera, hindi upang ipaglaban ang prinsipyo ng hukbong kanilang kinabibilangan kundi parang ipagngalandakan sa lupon ng kalalakihan na babae man sila, kaya rin nilang makipagsabayan. Maganda sana ang pagiisip na ito kung hindi lamang sa maling paraan ng paghahanap ng paglalabasan ng hinanaing. Isa lamang ito sa maraming imahe ng sikolohikal na girian sa pagitan ng magkaibang kasarian.

Sanggunian:

Abangan, JMD. (2008 February 28). PGMA Cheered By Mindanao Women Community Leaders. Philippine information services. Retrieved March 1 2009, fromhttp://www.pia.gov.ph/?m=12&sec=reader&rp=1&fi=p080228.htm&no=2&date=

Abusharaf, A. (2003 November 13). Women in Islamic Communties: The Quest for Gender Justice. Retrieved 12 March 2009, from http://72.14.235.132/search?q=cache:EmnOHc0aPTkJ:https://idl-bnc.idrc.ca/dspace/bitstream/123456789/33285/2/Abusharaf_Adila2004.doc+women%27s+role+in+muslim+communities&cd=16&hl=tl&ct=clnk&gl=ph

Pacis, M.C. (2004) “The Role of Filipino Muslim Women and Children In Peacebuilding.” M.A. thesis. National College of Public Administration and Governance,

Philippines, Republic of the. (2007 March 2) Six Paths to Peace: Implications of Gender Mainstreaming in Peacebuilding Work. Office of the President of the Philippines, Office of the Presidential Adviser of the Peace Processes. Retrieved 1 March 2009, from http://www.emindanao.org.ph/wps/html/pdf/gender_peace/SPP.pdf.


Larawan http://blissfulbeauty.deviantart.com