Wednesday, March 25, 2009

Japayuki: Sa Kamay ng mga Hapon


Ni Recell Gaila G. Tabernilla

Sa paglipas ng maraming taon, naging kanlungan na ng maraming Pilipino ang ibang bansa bilang sagot sa patuloy na kahirapang nadarama rito sa Pilipinas. Marami na ang mga bansang napuntahan ng mga Pilipino upang magkaroon ng mas nakaaangat na mapagkakakitaan at nang may maipadala sa naghihirap na pamilyang naiwan sa Pilipinas. Isa sa mga bansang ito ay ang Japan kung saan maraming mga kababayan natin ang nagtatrabaho bilang entertainers o Japayuki.

Masasabing hindi masama ang pagiging entertainer dahil sa tulong na naihahatid nito sa kanilang mga pamilya at sa ekonomiya ng ating bansa ngunit dahil sa mga negatibong naririnig ng mga tao tungkol sa mga nangyayari sa mga nasabing manggagawa ay nagkakaroon ito ng masamang imahe.

Nagsimula ang industriya ng entertainment sa Japan noong Tokugawa Era (1603-1867) at nagpapatuloy hanggang ngayon dahil sa naidudulot nito sa sektor ng negosyo. Nagsimula namang pumunta ng Japan ang mga Pilipina noong dekada ‘60 bilang mga propesyunal na mang-aawit, musikero, at mananayaw. Nang sumapit ang huling bahagi ng dekada ‘70 hanggang sa simula ng dekada ’80, mas nangailangan ang Japan ng mas maraming mananayaw na babae at napabilang na nga dito ang mga Pilipina.

Sa pagtatrabaho nila sa Japan, nakakaranas sila ng pisikal na abuso, maling pagtrato, panghaharas, di makatarungang pagsusweldo, at pambibiktima ng mga ilegal na employer. Nalalabag hindi lamang ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa kundi pati ang kanilang mga karapatan bilang tao. Ang mga manggagawa, kahit pa sa ibang bansa, ay may karapatang makatanggap ng sweldo, benepisyo at proteksyon kapalit ng oras na kanilang ipinagtrabaho. At, bilang tao, nalalabag ang kanilang dignidad, at kalayaan.

Maraming mga abusong nararanasan ang isang entertainer. Isa dito ang iregularidad sa sweldong kanilang natatanggap. Nakadepende ang kanilang sweldong matatanggap sa maraming bagay. Ilan dito ay ang hatian sa pagitan ng entertainer at ng kanyang ahente, ang kota na ibinibigay ng club na pinapasukan, ang pagkagalante ng kliyente, at ang serbisyong handang ibigay ng isang entertainer sa kanyang kliyente. Kung ninanais na magkaroon ng mataas na kita, minsan ay kinakailangan nilang makipagtalik sa kliyente.

May mga programang inilunsad ang gobyerno dito sa Pilipinas na naglalayong mahasa ang talento sa pag-awit at pagsayaw ng mga entertainers na nagbabalak na magtrabaho sa Japan ngunit kahit pa maganda ang intensyon ng mga programang ito, hindi naman ito nasusulit kapag nagtatrabaho na ang mga Pilipina. Upang magkaroon ng mas mataas na kita, hindi lamang pag-awit at pagsayaw ang kanilang ginagawa. Kinakailangan nilang tumabi sa mga lalaking kliyente at gawin ang kahit anong gusto ng kanilang kliyente upang maabot ang kota ng club na kanilang pinapasukan. Umaabot pa sa puntong binabayaran ng kanilang mga kliyente ang dohan ng club upang hayaang makipagkita sa kanila sa labas ng club ang mga entertainers. Nangangahulugan lamang ito na sa loob man o sa labas ng pinagtatrabahuhang establisyemento ay may nangyayaring sekswal na gawain sa pagitan ng Japayuki at ng kanilang mga kliyente.

Nang dahil sa bagong batas na ipinasa ng Japan tungkol sa mga dayuhang nagtatrabaho sa kanilang bansa ay bahagyang kumonti ang mga natanggap na remittances ng ating bansa. Isa pang naging epekto ng batas na ito ay ang pananatili ng ibang mga Pilipina sa Japan kahit na tapos na ang kanilang kontrata. Nagreresulta ito sa pagtatrabaho nila ng mas matagal at mas mababang kita. Napipilitan ang mga entertainers na magpatuloy sa pagtatrabaho sa Japan kahit pa sila ay maging ilegal na manggagawa. Sa ganitong sistema, nawawalan sila ng karapatang magkaroon ng pantay na benepisyo tulad ng sa mga legal na manggagawang dayuhan at mas may tsansa silang maloko, madaya, at maabuso.

Bukod sa mga iregularidad tungkol sa sweldo kung saan may mga kasong mas malaki pa ang kinikita sa kanila ng mga amo nila sa club at mga ahensyang nagpadala sa kanila sa Japan, may iba pang mga abuso na nararanasan ang mga Japayuki. Kabilang na dito ang panggagahasa na nararanasan ng isang Japayuki kasama ang kanyang kliyente. Bagama’t binayaran ang Japayuki upang mailabas, hindi ito laging nangangahulugang pumapayag siya na makilahok sa mga sekswal na gawain o pakikipagtalik. Ikalawa, naaabuso rin sila sa pamamagitan ng pagkontrol ng mga amo nila sa kanilang mga pasaporte, ang pagkukulong sa kanila sa loob ng kanilang tinutuluyan, at ang pagbabawal sa kanilang makatawag sa pamilya sa Pilipinas. Ikatlo, ang kanilang pagiging babae ay ginagamit bilang instrumento ng prostitusyon. Bilang isang Pilipina na nasa bansa ng mga banyaga na nagpapakain sa kanila, wala silang ibang mapagpipilian kundi ang pumasok sa ganitong sistema ng empleyo.

Nang dahil sa ganitong mga pangyayari, may mga kasong nawawala na sa katinuan ang entertainer. Nagkakaroon din ng sikolohikal na problema dahil sa depresyon, kalungkutan, pagod, at abusong nararanasan ang isang Japayuki. Hindi bumababa sa sampu ang bilang ng mga Pilipina entertainers sa isang taon ang nagkakaroon ng ganitong karamdaman.

Ang pagtatrabaho ng maraming mga Pilipina sa Japan ay isang magandang intensyon upang magkaroon ng masaganang buhay ang kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Sa pagtatrabaho nila sa ibang bansa, nagiging kapalit naman nito ay ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Nangangahulugan ito na kailangan nilang indahin ang mga abuso para lamang sa masaganang buhay para sa kanilang pamilya.

Sanggunian:

Anderson, J.N. (n.d.) .Filipina migrants to Japan: entertainers, house helpers and homemakers. Child Trafficking. Retrieved January 26, 2009 from http://www.childtrafficking.com/Docs/anderson_filipina_migrants.pdf


Batis Center for Women. (2005). Japan immigration policy: against women. Japan Indymedia. Retrieved Jan. 26, 2009 from http://japan.indymedia.org/newswire/display/1996/index.php.

Ballescas, Ma. Rosario P. (1992). Filipino Entertainers in Japan: An Introduction.

Quezon City: Foundation for Nationalist Studies Inc.

Nuqui, Carmelita G. (n.d.). Why We Support Japan’s New Immigration Policy On

Entertainers. OFW Journalism. Retrieved Jan. 26, 2009 from http://www.ofwjournalism.net/previousweb/vol4no1/latestories412.php.

Uy, Veronica. (2007 January 28). Number of Filipino entertainers in Japan steadily declining.

The Philippine daily inquirer. Retrieved Jan. 26, 2009 from

http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews

/view_article.php?article_id=42276>.

Clearing a Hurried Path: Study on Education Programs for Migrant Workers in Six Asian

Countries. (2001). Quezon City: Migrant Forum in Asia.

OCW’s in Crisis: Protecting Filipino migrant workers. (1995). Makati City: Ateneo Human Rights Center.

No comments:

Post a Comment