Wednesday, March 25, 2009

Kung Paano Pasarapin ang Mango Float


Ni Louise Ingrid D. Salud

Mango float –sa pangalan pa lang naririnig ko na ang ingay ng aking sikmura at parang nararamdaman ko pa ang tulo ng laway sa aking bibig. Dahil para kang literal na lumilitaw dulot ng lasa at pangalan nito, hindi nagkakamali ang sinumang tao na pangalanan ito na “mango float”. Noon, ang ina ko pa ang gumagawa ng panghimagas na ito para sa akin. Ngayon, lumaki na ako at natutong gumawa ng sarili kong mango float na masasabi kong naiiba talaga sa tradisyonal na mango float. Ang sikreto? Dadagdagan ko ito ng hilaw na mangga at tsokolate.

Gawa sa condensed milk, graham crackers, tsokolate, at mangga, ginawa ang mango float sa pinagpatong-patong na mga kasangkapan sa isang lalagyan na patag. At para maiba ang mango float mo, nilagyan ko ito ng dinurog na tsokolate at saka mga konting kapiraso ng hiniwang hilaw na mangga. Pagkatapos, papalamigin ko muna ito sa ref ng kalahating araw. Madali ngunit nakakaubos ng oras ang paggawa ng mango float. Hindi bale dahil sulit na sulit naman ang abala ko pagdating ng oras ng kainan. Kung pang-merienda, pwede na ang coke para ipares ko dito.

Masasabi kong isa nga itong katakam-katam na panghimagas dahil hinihikayat ako nitong kainin siya sa unang tingin ko pa lang dito. Ngunit madedehado pa ako dito dahil kailangan ko pa itong palamigin ng kalahating-araw sapagkat ang lamig ang siyang nagpapasarap nito nang husto. Dito ako magdudurusa na para bang may gusto akong makuha ngunit hindi pa tama ang panahon at kailangan ko pang maghintay.

Nang dumating na ang oras ng kainan, tiyak na hindi ako makakahintay na kainin ang pagkain na siyang pantasya ng aking sikmura. At nang isubo ko na ito, nalalagay ako sa kabaliwan dahil nalilito ako kung ano ba talaga ang nagpapasarap sa panghimagas na ito: ang lasa ng hilaw na mangga o ang pinag-isang lasa ng hinog na mangga, gatas at tsokolateng natutunaw mismo sa dila mo. Sa huli, masasabi kong ang kumbinasyon ng dalawang lasa ang siyang lalong nagpasarap sa mango float ko.

Hindi ako makahintay na kainin ang pinakapaborito kong panghimagas. Habang naghihintay ako na lumamig na ito, naiinip ako at nadedehado. Ganyan naman talaga ang likas na ugali ng tao: ang pagmamadaling makamit ang mga bagay kahit wala pa ito sa takdang-oras.

Kaya nang pumasok ako sa kolehiyo dito sa Manila, hindi ko maiwasang mapansin ang mga bagay-bagay na kadalasan ay taboo sa hayskul noon tulad lamang ng pre-marital sex, ang pakikipagtalik sa labas ng kasalan. Sa hayskul, bihira akong makarinig ng usapang sex. Pero dito sa kolehiyo, kahit saan, maging ang mga dulang pinapalabas o mga artikulong sinusulat sa dyaryo ng paaralan ay mayroong kinalaman sa sex. Nang pansinin ko ang kanilang pananaw sa sex, iisa lang ang sinasabi nila. Masarap ang sex.

Masarap ang sex ngunit hindi mo alam kung anong aspeto nito ang siyang nagpapasarap sa kanya. May nagsasabi na importante sa sex ang magawa mo ito kasama ang iyong minamahal sa buhay para mas maging makabuluhan. Mayroon din silang tinatawag na pinagsamang pain and pleasure na siyang pinakamagandang katangian ng sex. Ang lahat ng ito ay hindi ko tuluyang maintindihan dahil hindi ko pa natikman ang ganitong uri ng pagkain.

Kaya siguro hindi makahintay ang ibang mga estudyante na sumubok sa isang sekswal na gawain. Dahil sa impormasyong nasagap nila sa iba’t ibang bahagi ng lipunan tulad ng media, paaralan at mga ibang tao mismo, marami ang gustong makaranas ng pre-marital sex. Gusto nilang matikman ang isa sa mga masarap at magandang bahagi ng buhay ng tao.

Ngunit masarap pa ba ang pre-marital sex kung ang kapalit nito ay ang iyong di-pinlanong pagbubuntis kung saan mapipilitan kang tumigil sa pag-aaral? Masarap pa ba ito kung ikaw ay hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil tinanggal kana sa paaralang pinasukan mo? Masasabi mo pa bang masarap ang pre-marital sex kung saan ang kinabukasan mo mismo ay nasira sa isang saglit lamang?

Naalala ko tuloy ang kaklase kong hindi makapag-aral sa kolehiyo dahil nabuntis siya sa huling taon ng hayskul. Dahil sa gastos ng panganganak at pag-aalaga sa kanyang bagong anghel, nabaon ang kanyang pamilya sa utang. Mataas sana ang maabot niya sa buhay dahil matalino at may potensyal ang kaklase ko. Pero dahil sa ilang minutong kaligayahan dulot ng pre-marital sex, nasira tuloy ang mga pangarap niya para sa kanyang sarili.

Ang sex ay parang isang mango float. Pareho silang masarap. Pero katulad ng mango float, kailangan din dito maghintay sa tamang-oras para malasap ang tunay na sarap at kaligayahan ng sex. Subukan mong kumain ng mango float na kulang sa lamig at ikumpara mo ito sa mango float na pinalamig sa ref ng kalahating araw. Kahit pareho lang ang lasa ng dalawa, hindi mo maitatanggi na mas masarap ang pinalamig na mango float.

Tinuruan ako ng nanay ko sa tamang paggawa ng mango float. Hindi man niya sinasabi ng diretso, pero tinuturuan din niya akong maghintay sa tamang oras para subukin ang mga bagay na hindi pa nararapat para sa akin ngayon.

Kahit mapanukso at mapang-akit ang lipunang kinabibilangan ko ngayon, hindi ako magpapadala sa dehadong kalagayan ko. Kaya kong maghintay sa takdang oras.

Bago ko kainin ang ginawa kong mango float, sinisiguro ko muna na pinalamig na ito ng tamang oras para sigurado akong kinakain ko ang aking mango float sa kanyang pinakasarap na kalidad. Ayaw kong madismaya pagdating sa pagkain, lalung-lalo na sa paborito kong panghimagas.

Masakit isipin na kayang sirain ng ilang minutong kaligayahan ang mga pangarap kong nabuo sa labimpitong taon na pagkabuhay. Kaya habang hindi pa ako nakapagtapos ng B.S. Communications Technology Management, Minor in French Studies (sa ngayon), at habang hindi ko pa natupad ang mga pangarap ko sa buhay, makahihintay ang sex.

No comments:

Post a Comment