Wednesday, March 25, 2009

Review ng Huling Pasada

Ni Katrina Gonzales


Kilala tayong mga Pilipino bilang mga masayahing tao. Kahit mahirap na ang sitwasyon, nakakahanap tayo ng dahilan para maging masaya. Kahit sa mga sine, mas tinatangkilik ang mga kwentong romansa at katatawanan. Ito marahil ang dahilan kung bakit naging indie film ang Huling Pasada. Ito ay isang kwentong umiikot sa dalawang istoryang pinagkokonekta ng mga similar na elemento. Ang unang storya ay ang istorya ni ni Ruby. Siya ay isang baog na babae na iniwanan ng kanyang asawa. Ang ikalawang kwento ay ang istorya ni Mario. Siya ay isang taxi driver at kakabalik lang ng kanyang dating nobya na pumunta sa Amerika. Sa kanyang pakikipagsapalaran sa kalye nakilala niya si Jed, isang batang kalye na may malungkot na buhay. Sa simula, nagmukhang dalawang magkahiwalay na istorya ang kwento ng pelikulang ito. Subalit ang kanyang kakaiba at malikhain na kwento nito ay nagpakita ng koneksyon sa mga tauhan nito. Kaaya-aya ang cinematography nito. Magaling ang paggamit ng ilaw upang makadagdag ng epekto sa mga eksena. Subalit ang pinakamatingkad na elemento ng sineng ito na kumuha ng atensyon ko ay ang mga simbolismong ginamit. Hindi lamang ito nagpapayaman sa kwento, nagamit din sila upang mas matali ang kwento at ang katotohanan.

Isa sa mga simbolismo na ginamit sa kwentong ito ay ang tauhan na sa Ruby. Siya ay nakadepende sa taksi upang makapaglakbay. Ang kanyang tauhan ay maraming pinepresenta. Una, ang kanyang pagdepende niya sa taxi ay nagpapahiwatig na hindi siya tumatayo para sa kanyang sarili. Ang kanyang sitwasyon ay katulad sa ating mga Pilipino. Kadalasang nakikialam ang mga dayuhan sa mga problema ng ating bansa. Sa larangan ng pera, madalas tayong umutang sa World Bank para makuha ang mga pondo na kailangan. Susunod, ang kanyang pagiging baog ay simbolo ng kahinaan. Kung ihahambing sa ating bansa, ito ay ang hindi pagkakaroon ng abilidad na makabuo ng maraming bagay. Maaari itong ikonekta sa kakulangan ng bigas o sa hindi pagkakaroon ng krudo sa ating bansa. Mayroong parte ng sine kung saan nakipagtalik si Ruby sa isang taxi driver. Siya ay umiiyak habang ginagawa ito. Pinapahiwatig nito na kahit malungkot man, ganoon ang pagkatao niya at kailangan niya itong tanggapin. Marahil panahon na rin upang tanggapin ang ating kahinaan?

Bihira ang pelikulang gawang Pilipino na gumagamit ng maraming simbolismo tulad nito. Ang hilig ng mga Pilipino ay ang mga pelikulang komedya na magaan sa puso. Kung ihahambing ang pelikulang ito sa isa pang indie film na Idol: Pag-asa ng Bayan, mas madilim ang storya nito. Malungkot din ang iniikutang istorya ng Idol subalit hindi ito kumokonekta sa ibang storya. Ang Idol ay nakapokus sa isang tauhan at ang kanyang storya. Kahit mas madilim ng kaunti ang tema ng Huling Pasada, ito ay nabawi sa masayang katapusan. Ang Idol ay nagtapos sa isang kalungkot-lungkot na gawain ng pangunahing tauhan. Sa kategorya naman ng simbolismo at diwa, sila ay magkapantay. Sa parehas na pelikula, ang manonood ay mapapaisip. Hindi sila tulad ng mga komedya na pinapanood lamang para pagpaaliw. Sa panonood ng mga indie films na ito, ang tunay na kaaliwan ay nahahanap sa pagkakaintindi ng pagkakakonekta ng mga storya. Base storya, cinematography at mensahe, binibigyan ko ang Huling Pasada ng limang bituin. Ito ay nagpapahiwatig ng katotohanan sa isang simpleng tagpuan.

Larawan http://4.bp.blogspot.com

No comments:

Post a Comment