Wednesday, March 25, 2009

Bakit Kinilabutan ang Lalaki kong Kaklase nang Makakita Siya ng Pasador sa Aking Bag?


Ni Maci Norenz Golez Ilicito

Mayo 6, 2004, Aking ika-12 na kaarawan, Sa bahay

Maraming handa, maraming bisita. Pagkakuha ko ng aking pagkain, umupo ako sa tabi ni Lola Vera. Tinuro niya ang kinakain kong ponkan.

“Hija, kakainin mo ba talaga ‘yan?”

Orange lang po ‘to, Lola.”

“Oo, pero kakasabi lang sa’kin ng nanay mo na nagkaro’n ka na,” Sa pagkasabi n’ya noon, iisipin mo may nakakahawa akong sakit.

“Opo,” sabi ko. “Pero ‘di ko po alam kung ano ‘yung masama sa pagkain ng orange.”

“Hindi ka ba tinuruan ng nanay mo? Hindi ka dapat kumain ng maasim kapag meron ka dahil magiging maasim ang dugo.”

Tumahimik na lang ako imbes na sabihing hindi ko naman iinumin ang dugo, kaya wala naman talagang masama kung maging maasim man ito o hindi. Pero hindi pa doon natapos ang mga paalala sa akin ni Lola.

“At pinunasan mo ba ang mukha mo ng ano mo? Magkakataghiyawat ka kung hindi!”

Nakalunok ata ako ng dalawa o tatlong butil ng ponkan.

***

Ang unang regla ng isang batang babae o “menarche” sa Ingles ay karaniwang tinuturing na tanda ng kanyang pagpasok sa hustong gulang. Sa siyensa, ang ibig sabihin nito’y isa sa mga egg cell sa obaryo ng babae ay hinog na at maaari nang ma-fertilize ng sperm cell ng lalaki. Sa madaling salita maaari na siyang mabuntis.

Mas marami pa itong implikasyon sa kultura. Kumpara sa mga ritwal na ginagawa ng ibang mga lahi, parang nagiging katatawa na lang ang mga tradisyon ng mga Pilipino. Maaari nating tawaging rite of passage ang unang regla.

Sa Japan, ipinagdidiwang ito ng pamilya ng dalaga sa pamamagitan ng pagkain ng pulang kanin at buto. Sa Sri Lanka at ilang probinsya ng India, binibigyan ng seremonyal na paligo ang dalaga, kung saan pinapaliguan siya ng mga babae ng pamilya at dinadamitan ng puti. Nagkakasiyahan ang lahat at ang dalaga’y binibigyan ng pera at mga regalo. Sa isang tribo ng Native America, ang Chiricahua Apache, nagkakaroon ng mga piyesta’t sayawang tumatagal ng mga lingo. Ang mga dalaga ng mga tribo ng mga Pygmy sa Gitnang Africa ay dinadala sa mga kubong tinatawag na “elima,” kung saan sila hinanahanda ng mga nakatatandang babae sa para sa pagiging ina. Pagkatapos nito, nagkakaroon ng isang buwang kasiyahan.

Hindi nga lang ganito kasaya sa ibang kultura. Sa ilang mga mas konserbatibong komunidad ng mga Husyo at Silangang Europa, tradisyonal na sampalin ang dalaga bilang proteksyon labang sa “disgrasya.” Sa isang tribo sa Alaska, ang Kolosh, iniiwan ang dalaga sa maliit nakubo kung saan may isa lamang na butas para sa hangin at ilaw sa isang buong taon. Para tuloy mas ayos na sa’king ipunas na lang ang aking dugo sa mukha.

Para sa mga modernong lipunan, angat sila sa ganitong klase ng pagtrato sa mga dalaga. Ang totoo, walang mga ganitong pagtatrato pagkat hindi dapat malaman ng ibang tao ang tungkol dito. Ang regla’y tinuturing kahiya-hiya, minsan pa’y katakut-takot. Walang mga taboong ipinipilit, pero sinusunod pa rin ang mga ito ng mga babae. Hindi sila iniiwan sa mga kubo, pero makikita nating hindi sumasali ang mga babae sa mga isport at ibang mga gawain kung saan sila maaring matagusan at malalaman na ng lahat. May mga ginagamit pa ngang mga eupemismo ang mga babae upang hindi nila kailanganing sabihin ang bulgar na salita tulad ng regla o menstruation. Tulad nga ng “meron ako ngayon.” Bisita. Red tide. Pinakamalala sigurong narinig ko ay ang “sumpa.” Ang mahalaga’y hindi malaman ng ibang tao na meron ka. Lalo na kung lalaki sila.

***

Marso 2008, Break noong isang ensayo naming para sa graduation, Sa kantina ng paaralan

“Kuya Dennis, pabili naman ng napkin, o.”

Lahat ng tao na malapit sa amin ay nanginig sa pigil na tawa. Nandilat sa akin si Kuya Dennis na parang bumili ako ng isang kahon ng mga condom. Sa huli sabi niya, “Kunin mo na lang diyan” at tumungo siya sa bilihan ng inumin, mga sampung metro ang layo sa’kin.

Natawa na lang ako. “Kuya naman, hindi ‘to nangangain.”

***

Hulyo 2007, Klase ko sa Math

“Maci, peram ng ballpen.”

“Sa bag ko, ‘wag kang magulo,” sabi ko nang hindi nilalayo ang aking tingin sa quadratic equation na ginagawa ko.

“Ano ba ‘yan, Maci,” sabi ni Karl, sabay balik sa akin ng bag ko.

“Ano na naman?” Tiningnan ko ang bag ko. Nakita ko kung ano ang na sa loob. “Sus, parang ‘yan lang e.”

***

Ilan lamang ang mga babaeng tulad ko na wala nang pake kapag nakikita ng ibang tao ang kanilang mga “pambabaeng produkto.” Siguro may koneksyon dito ang mga taboo ng iba’t ibang kultura. Pero sa tingin ko, maaari ring masisi ang modernong kultura. Tingnan na lang natin ang mga patalastas ng mga pasdor or sanitary napkin. Ayon sa kanila hindi ka magiging “fresh palagi!” kung wala kang Modess Cottony Soft with wigns. Hindi ka rin pwedeng mag-“be yourself” at lalong hindi mo makukuha ang crush mo kung hindi ka naka-New Whisper with Fresh Scented Core.

Siguro masyado kong inaalipusta ang mga patalastas na ito. Kailangan nga naman naming mga babae ang mga produktong ito kung ayaw naming magkalat.

Kunsabagay, masasabing malaking asenso ang mga patalastas ng napkin ngayon sa mga gimik dati. Noong 1932, may brand na Delicate na nag-imbento ng napkin nakasilid sa isang tubo na mukhang kahon lang ng lipstick. Ito ang kailangan mo upang maisalba ang iyong nobyo sa katatakutang dulot ng pagsilay sa isang sanitary napkin. Noon naming 1945, may patalastas sa dyaryo na ginawa ang San-Nap-Pak na brand tungkol sa isang dalaga na “takot na takot”… hanggang pinakita sa kanya ni Betty ang San-Nap-Pak napkins! Hay, sobrang laking ginhawa ang hated ng mga ito; talagang ligtas ka sa mga kahiya-hiyang “aksidente” tulad ng… Hmm, sa totoo lang, hindi natin nalaman sa patalastas na ito kung saan naligtas ang dalaga.

Kakaalala ko lang. May patalastas na pinalabas ang Libresse mga ilang taon na ang nakararaan, kung akala ni Richard Gutierrez na ang pantyliner ng kanyang nobya ay isang Band-Aid.

***

Pebrero 2008, Tanghalian, Sa silid-aralan

Nakaupo kami sa sahig, kaming magkakaibigan. Nagtatanghalian kami.

“Harry!” tawag ni Clarissa sa isang kaklase naming palabas papuntang kantina.

“Me papabili na naman kayo ‘no?” Medyo nag-aalangan si Harry.”Me papabili na naman kayo ‘no?” Medyo nag-aalangan si Harry.”

Yep,” masayahing sagot ni Clarissa. “Mango shake, large, tapos iced tea. Ay, tapos, Whisper pa pala. Para kay Arielle.”

Namula si Arielle (na medyo girlfriend ni Harry noong panahong iyon). Nabilaukan sina Sheri, Karen, at Jenny. Tinitigan ko lang si Harry, hinihintay na ang sermon niya tungkol sa kayumihan ng mga babaeng kailangang matutunan ni Clarissa.

Pero hindi dumating ang sermon. Sabi niya lang, “Okey, akin na ‘yung bayad.”

Break na ngayon sina Arielle at Harry. Abala na sila sa kanilang bagong buhay sa kolehiyo, si Harry sa kanyang pitong org at si Arielle sa kanyang bagong boyfriend. Pero kakaamin lang sa’min ni Arielle, na-mi-miss niya raw si Harry.

Siguro, kung kayang bumili ng isang lalaki kay Kuya Dennis ng napkin para, sa iyo, iyon ay true love.

No comments:

Post a Comment